Search Results

Thursday, July 5, 2007

Sa Paggawa Nakikilala

Kamakailan lang ay napabalita muli ang mungkahi ni ret. Chief Justice Artemio Panganiban na ilipat sa wikang Pilipino ang mga court proceedings. Isa sa mga dahilan ay ang kawalan ng comprehension o pang-unawa ng pangkaraniwang tao; mas madali daw kasi na intindihin ang kaganapan kung ito ay hindi nasasaliw sa wikang banyaga - o Ingles.

Ayon din sa kanya, ang mga court stenographer ay nahihirapan din at hindi makasunod sa mga proceedings. Kadalasan ay hindi nila makuhang ulitin ang mga arguments ng mga abogado at fiscal - kahit na trabaho nila na itala ang bawat salita na nasambit sa proceeding na iyon. Dahil dito, kanyang iminumungkahi na ilipat na lang sa Pilipino ang pamamaraan sa korte, mas lalo na't ito ang wika ng mga karaniwan.

Marami ang sumasangayon sa kanya. Oo nga naman, Pilipino tayo, may sariling wika at sambayanang diwa na ating maitatangi. Bilang Pilipino, ito ay dapat natin gawin. Ang paggamit ng Pilipino sa pananalita ay isang makabayang gawain. Bakit natin ipipilit ang isang bagay na hindi naman likas sa atin?

Wikang Pambansa laban sa wikang banyaga. Magandang adhikain ang pagtangkilik ng sariling atin; sino pa nga ba ang magmamahal sa ating sarili kundi ating mga sarili din.

Ngunit ano ba ang batayan ng pagiging makabayan? Ito ba ay nababatay sa wika lamang? O ang paggamit ba ng wika ay ang pinakamalaki at pinakamahalagang bahagi sa pagiging makabayan ng isang tao?

Ayon sa Saligang Batas ng Republika ng Pilipinas, ang wikang Ingles ay isa sa dalawa nating Wikang Pambansa. Kung gayon, ang wikang Ingles ay hindi banyaga sa atin. Ito ay bahagi ng ating pamumuhay.

Ang mga paaralan ay naatasang ituro ang at magturo sa wikang Ingles. Maraming banyaga ang nagtutungo sa Pilipinas upang mag-aral ng Ingles. Marami ang humahanga sa kakayahan ng ating mga kababayan na gumamit ng wikang Ingles. Ito ay hindi iba sa atin. Isa itong advantage ng mamamayan, mas lalo na kung ihahalintulad mo ang Pilipinas sa ibang bayan.

Tama, ang kahalagahan ng wika ay nasa pag-unawa ng mga tao. Ngunit hindi kasalanan ng wika ang kahinaan ng tao. Hindi kakulangan ng wika ang kawalan ng pang-unawa ng tao; ang kaledad ng pang-unawa ay nasa nagtuturo, at hindi sa itinuturo. Iba-iba ang mga tinuturuan, marami ang pamamaraan ng pagtuturo, ngunit ang nilalaman ng itinuturo ay iisa.

Huwag nating balewalain ang kaalaman na dapat nating natamo mula sa pag-aaral. Karamihan sa atin ay nakapag-aral, mas lalo na kung ikukumpara mo sa panahon ng ating mga magulang. Nasa atin ang kakayahang mamuhay ng maayos, matiwasay at makabayan, at hindi ito batay sa wika lamang.

Ating intindihin ang tunay na diwa ng pagiging makabayan. Bukod pa ito sa pananalita at panlabas na anyo. Ang Babel ay hindi hihinto, at kung matigil man ay matagal na panahon pa bago ito mangyari. Sa paggawa nakikilala ang puso at pag-iisip ng isang tao, at hindi lamang sa wika.

February 13, 2007